09/05/2026
May mga laban na hindi para sa pangalan, posisyon, o pulitika — kundi para sa maliliit na taong madalas walang lakas, walang boses, at walang kumampi.
Taos-puso po akong nakikiramay sa pamilya ni Tatay Edilberto.
Kahapon lang, kasama pa natin si Tatay — malakas, matapang, at paulit-ulit nag papalala na huwag naming bitawan ang laban para sa Imok, para sa mga magsasaka, at para hindi gawing malaking basurahan ang Brgy. Imok.
At kahapon, ramdam ko rin ang bigat ng pinagdadaanan ng mga taga-Imok. Ramdam ko ang panghihina nila sa laki ng puwersa at impluwensyang nakatapat sa aming laban.
Nakakalungkot isipin na pumanaw si Tatay nang hindi pa nakikita ang tagumpay.
Ito mismo ang dahilan kung bakit hindi tayo dapat tumigil.
Dahil sa likod ng bawat isyu, may tunay na tao. May magsasakang umaasa. May pamilyang nakasalalay ang kabuhayan sa lupa. May komunidad na kailangang protektahan.
Hindi ako nagsalita para makipag-away. Nagsalita ako dahil may mga laban na kapag pinili mong manahimik, mamamayan ang magbabayad ng kapalit.
Kasama ang mamamayan, ayaw nating payagan ang malaking basurahan sa Brgy. Imok — isang lugar na may kaugnayan sa tubig, kabuhayan, kalusugan, at kaligtasan ng mamamayan.
Mula noon, kaliwa’t kanan na ang atake. Pinalalabas na kalaban ako ng mga pulitiko at lahat na lang daw ay inaaway ko.
Pero balikan natin: ano ba talaga ang ipinaglaban natin?
Sa San Pablo, kinampihan natin ang mamamayan na huwag gawing subdivision ang palayan.
Sa Liliw, kinuwestyon natin ang basketball court sa ilog na pinanggagalingan ng patubig sa mga palayan.
Sa Calauan, pinanindigan natin na hindi dapat gawing malaking basurahan ang bundok at watershed.
At ngayon, ipinaglalaban natin na ang CLOA ay dapat mapunta at manatili sa tunay na magsasaka — hindi mauwi sa landfill.
Kung ito ang tinatawag nilang pakikipag-away, malinaw ang sagot ko: hindi tao ang inaaway natin. Ang kinakalaban natin ay maling proseso, maling proyekto, at maling paggamit ng kapangyarihan.
Kung ang paninindigan para sa maliliit ang dahilan para ako ay atakihin at ipintang kalaban, patuloy akong maninindigan para sa walang lakas, walang boses, at walang kumampi.
Mas pipiliin kong manindigan para sa tao kaysa manahimik para lang maging katanggap-tanggap sa kapwa pulitiko.
Para kay Tatay Edilberto, para sa mga magsasaka, para sa Brgy. Imok, at para sa lahat ng umaasa na may tatayo para sa kanila — hindi tayo titigil.
Hanggang dulo, maninindigan tayo sa tama.
BM Karla Adajar