26/11/2023
A HOLIDAY SWITCH
by: Maccheb
8letters
CHAPTER THREE: Season of Love
(continuation...)
Part 7 of 9
Namangha kayo sa inyong nagliliwanag na katawan. Ang pakiramdam ninyo ay kaygaan. Hindi lamang dahil sa literal na napaliligiran kayo ng hiwaga, kung hindi dahil babalik kayo sa normal na malaya sa lahat ng sakit, pangamba at panghihina. Babalik kayong mas malakas, mas pursegido, higit na nagmamahal at kayang tumindig ng matibay para sa isa’t isa.
Napapikit kayong dalawa. Tila ba kayo ay idinuduyan ng mahikang likha ni Fowty. Hindi naglaon ay tuluyang kakaiba na ang iyong nararamdaman sa kapaligiran, subalit nanatili kayo sa pagkakapikit at naghintay na lamang na matapos ang pagbabalik sa inyong sariling katawan. Hanggang sa biglang naglaho ang lahat.
Naglaho ang hanging puno ng hiwaga na mistulang may musikang nakahahalina. Muling tumahimik ang kapaligiran. Kaya naman, dahan-dahan ninyong idinilat ang inyong mga mata.
Hindi kayo binigo ni Fowty.
Napatingin ka sa repleksyon ng iyong sarili sa salamin, Ikaw na nga iyon. Nagbalik ka na sa iyong sariling katawan at ganoon din si Max. Subalit, ipinagtaka mong natahimik si Fowty.
Nang mapalingon ka sa medyas, aandap-andap ang kaniyang liwanag. Mistulang isang lumang bumbilya na malapit nang mamatay. May kabang sumikdo sa iyong dibdib. Madali at maingat mo siyang kinuha mula sa pagkakasabit sa Christmas tree. Pinagmasdan ninyo siyang maigi. Sa pagkakataong iyon ay naulinigan ninyong tila nahihirapan siya sa paghinga at nanghihina.
“Fowty, ano’ng nangyayari sa `yo?” naibulalas mo. Nakaramdam ka ng guilt at lungkot.
“M-Merry,” pilit niyang wika. Mistulang naghihingalo ang kaniyang tinig. “M-Marahil ay hanggang dito na lamang ang kaya kong gawin upang makabawi sa pagkakamali ko sa `yo. Hindi ko man nakumpleto ang isandaang kabutihan, masaya na akong matulungan kayo.”
“Ano ba’ng sinasabi mo? H’wag mo akong iwanan!” naiiyak mong sigaw. Tila pinanghinaan ka.
“Mukhang ibinuhos niya ang lahat ng kaniyang kapangyarihan at lakas para sa atin, mahal,” kongklusyon ni Max.
“Hindi!” naibulalas mong nuli. “Bakit hindi mo sinabing ito ang magiging kapalit, Fowty?”
“S-Sapagkat batid kong hindi ka papayag. Kilala kita, ayaw mong naiiwanan ka. Ayaw mong may nasasaktan nang dahil sa `yo. Kaya naman gano’n na lamang ang paghanga ko sa iyo. I-Ikaw ang nagturo sa akin kung paano maging mabuti sa kapwa, may buhay man ito o wala,” paliwanag ni Fowty. Dama mong nahihirapan na siya.
“Fowty!” singhal mo. “Ang daya mo naman!”
“Paalam, Merry…”
Saksi kayong mag-asawa sa unti-unting pagkawala ng liwanag ng medyas. Ang puso mo nama’y parang pinipiga. Hindi mo matanggap na mawawala na siya nang ganoon lang kadali kapalit ng kaligayahan mo. Para sa iyo, napakalaking sakripisyo at pagmamahal ang ipinamalas ni Fowty.
Napahagulhol ka ng iyak. Wala namang nagawa si Max kung hindi ang yakapin ka na lamang habang tahimik din siyang lumuluha. Wala ka mang tinuran ngunit marami kang naisip at planong gawin kasama si Fowty. Marami kang gustong ipakita sa kaniya sa mundo na mahabang panahon niyang hindi nasilayan. Nais mo pang makabawi sa kaniya.
Lingid sa iyong kaalaman, napatakan mo ng iyong mga luha ang medyas. Muli ay namangha kayo, ngunit nagulat nang biglang lumutang ang medyas at balutin ito ng isang matinding liwanag.
***
(to be continue...)